RIZAL – Sugatan ang isang lasing na lalaki makaraang barilin ng nagrespondeng pulis nang mag-amok sa Grava Falls, Carolina Village, Sitio Leyva 2, Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City, bandang alas-10:30 ng umaga noong Hulyo 30, 2025.
Batay sa report ng Antipolo City Component Police Station, nakatanggap ng impormasyon ang Public Safety Office ng naturang barangay na may nag-aamok kaya nagresponde sa lugar kasama ang mga tanod at sina Patrolman Evan Borela at Patrolman Morris Morante.
Naabutan nilang nagwawala ang lasing na lalaki na armado ng improvised firearm o sumpak, na kinilala ng pulisya na si alyas “Arle,” residente ng nabanggit na lugar.
Ayon sa mga kabarangay, kilala itong notoryus at sangkot sa mga nakawan.
Nagpakilala bilang mga alagad ng batas ang mga operatiba at sinubukan pang pakalmahin ang suspek ngunit nagtangka umano itong makipagbarilan.
Akmang magpapaputok umano ng baril ang suspek kaya inunahan na ito ni Patrolman Borela kaya tinamaan si Arle sa ibabang bahagi ng katawan.
Makaraang dis-armahan ay isinugod ang suspek sa Rizal Provincial Hospital System-Annex 1 para lapatan ng lunas.
Nakuha sa suspek ang sumpak, at isang live bullet ng kalibre .38 na baril.
(NEP CASTILLO)
203 