SARADO pa rin sa mga sasakyan ang ilang bahagi ng national roads sa Luzon dahil sa epekto ng sunod-sunod na bagyo.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), sarado pa rin ang tatlong bahagi ng Kennon Road sa Camp 6 at Camp 4 na apektado ng mga debris mula sa gumuhong lupa at bumagsak na mga bato.
Gayundin ang Apayao-Ilocos Norte Detour Road, Annaran Bridge sa Calanasan, Apayao at ang Baguio-Itogon Road, Sitio Goldfield, Ifugao, Benguet.
Nadagdag sa listahan ang Cervantes-Quirino Road, Brgy. Poblacion, Quirino, Ilocos Sur.
Nanatili ring sarado sa mga motorista ang tatlong bahagi ng mga kalye sa Candaba, Pampanga dahil sa baha at debris habang hindi pa rin madaanan ng mga sasakyan ang dalawa pang highway sa Calaca at Laurel sa Batangas.
Ayon pa sa DPWH, may 14 pang bahagi ng mga lansangan sa Luzon, Negros Island at Zamboanga Peninsula ang limitado sa ilang uri ng mga sasakyan ang nakadaraan.
(JOCELYN DOMENDEN)
180 