(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI ibinabahagi ng mga employers sa pribadong sektor ang bahagi ng kanilang kita sa kanilang negosyo o pinagdadamutan ng mga ito ang kanilang mga empleyado.
Ganito ang obserbasyon ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo dahil walang plano ang mga employers na bigyan ng 14th month pay ang kanilang mga empleyado hangga’t hindi ito naisasabatas.
“Economic growth in the countryside is undeniable. To make that growth inclusive means sharing the wealth and 14th month pay is one way to spread the wealth the right way,” ani Salo.
Sa report aniya ng Philippine Statistics Authority (PSA), maliban sa National Capital Region (NCRP), Cagayan Valley at Caraga regjon, lahat ng rehiyon ay nagtaka ng higit sa limang porysento ng paglago ng negosyo noong nakaraang taon.
Indikasyon ito na kumita nang husto ang mga negosyante subalit ayaw ng mga ito na i-boluntaryo ang dagdag na insentibo sa kanilang mga empleyado na nakatuwang ng mga ito sa paglaki ng kanilang kita.
“Hindi katanggap-tanggap ang dahilan ng ilang negosyante na hindi nila kayang ibigay ang 14th month pay dahil malinaw na maraming negosyo ang kumikita dahil sa maunlad na ekonomiya,” ani Salo.
Tanging ang 13th month pay ang ibinibigay ng mga employers sa kanilang mga empleyado na karaniwang ibinibigay sa katapusan ng taon kaya maoobliga umano ang Kongreso sa batas para obligahin ang mga ito na bigyan ng dagdag na insentibo ang kanilang mga empleyado sa ayaw at sa gusto ng mga ito.
Nakahain na ang nasabing panukala sa Kongreso subalit hindi naaksyunan pero umaasa ang mambabatas na pagtutuunan na ito ng pansin sa 18th Congress bilang pagkilala sa mga manggagawa sa kanilang ambag sa paglago ng mga negosyo sa bansa.
“Higit sa mga papuring madalas nating binabanggit sa ating mga manggagawa tuwing Labor Day, ang mainam na maibigay natin ay pinansyal na insentibo na mag-aangat sa kanilang kabuhayan,” dagdag pa ng kongresista.
211