2-TAONG PROBATION NG MANGGAGAWA ‘KILL’ SA SENADO

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

TINIYAK ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon na ‘dead on arrival’ sa Senado ang ipinapanukalang gawing dalawang taon ang probationary period sa mga manggagawa.

Sinabi ni Drilon na kung aakyat man sa Senado ang panukala ay kanya itong tututulan at ipaglalaban na hindi maipasa.

Malinaw anya na hindi makatarungan at hindi makatuwiran ang pagdaragdag ng panahon bago maging regular ang empleyado.

“I will oppose its passage. If the House passes it, consider it DOA in the Senate.Hindi ito makatarungan. Hindi makatwiran,” saad ni Drilon.

Una nang kinontra ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang panukala at iginiit na hindi tama ang naturang panukala kasabay ng pagsasabing kahit isang buwan lang ay kaya nang matukoy ng kumpanya kung nararapat ang isang empleyado na maging regular worker.

Inihain ni Probinsyano Ako party-list Representative Jose ‘Bonito’ Singson Jr. ang House Bill 4802 na nagsasabing hindi sapat ang anim na buwang probationary employment period sa ilalim ng Labor Code upang ma-assess ang isang empleyado kung kwalipikado para sa regularization lalo na sa trabahong nangangailangan ng specialized skills at talents.

339

Related posts

Leave a Comment