(NI DAVE MEDINA)
NAGBABALA ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga airline company na huwag gamiting dahilan ang 6.1 magnitude na lindol sa delay o kanselasyon ng kanilang mga biyahe.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, huwag hayaang magkaroon ng inconvenience ang mga pasahero na maaaring magresulta sa hindi pagkatuloy ng kanilang travel plans.
Kasabay nito ay tiniyak ni Monreal na walang anumang nasira sa runway o maging sa taxiway ng Ninoy Aquino Airport, at ang mga terminal building ay maayos batay sa isinagawang inspeksyon ng mga team ng MIAA.
Sinabi pa ni GM Monreal sa mga pasaherong dadaan ng NAIA terminal, na business as usual at walang dapat na ipag-alala dahil sa lindol kahapon.
Inatasan naman ni Monreal ang operations team ng airport na tanggapin ang mga flights na hindi kayang asikasuhin ng Clark International Airport, alinsunod sa standard operating procedures na ipinatutupad ng Civil Aeronautics Board at Civil Aviation Authority of the Philippines.
Hinimok din ni Monreal ang mga airlines na tiyaking may nakahandang shuttle buses na maghahatid sa mga pasahero mula sa Maynila patungo ng Clark International Airport.
134