(NI MAC CABREROS)
INAASAHANG papatawan ng parusa ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang Cebu Pacific dahil sa pagkansela ng maraming flights na nagsimula noong Linggo (Abril 28).
Ayon Atty. Wyrlou Samodio, iimbestigahan ang bultong kanselasyon ng flights ng Cebu Pacific upang malaman ang totoong ugat ng mga ito.
“If there are violations, definitely they (Cebu Pacific) will be meted out with appropriate penalty,” pahayag Samodio.
Aniya, kanilang hihingan ng paliwanag ang pamunuan ng nasabing airline.
Nabatid na ang pagpapabuti sa kanilang serbisyo ang idinahilan ng airline kaya’t nagkaroon ng kanselasyon.
Sa abiso ng Cebu Pacific, ipinabatid na 58 domestic round trip flights pa ang kanselado hanggang Mayo 10. Nauna nang kinansela ang 44 flights.
Napag-alaman na kabilang sa kanseladong flights ang patungo sa mga lugar na dinarayo ng mga turista gaya ng Boracay, Puerto Princesa, Davao, Dumaguete, Cebu at Cagayan de Oro.
Kasabay nang paghingi ng paumanhin at pag-unawa, pinayuhan ng airline ang mga pasahero na apektado ng kanselasyon na gumawa ng karampatang hakbang gaya ng pag-rebook, mag-refund, humanap ng ibang flights o ilagay sa Travel Fund ang halaga ng ticket para sa susunod na flights.
213