(NI BERNARD TAGUINOD)
MAG-IIMBESTIGA na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa sex rings o prostitution syndicate na pinatatakbo ng mga sindikato ng mga Chinese national sa bansa.
Sa resolusyong ihinain ng mga militanteng mambabatas, inatasan ng mga ito ang House committee on women and gender equality na mag-imbestiga sa paglaganap ng prostitution ring sa bansa kasabay ng pagdami ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO).
Base sa resolusyon ng mga militanteng solon, mga POGO wokers ang kliyente ng mga Chinese sex rings kung saan, ang mga biktima ng mga ito ay hindi lamang mga Filipino, kundi Malaysian, Vietnamese at Chinese nationals.
“WHEREAS, such proliferation of Chinese prostitution rings demonstrates the social implications of the expanding POGO sector in the country on top of the economic losses incurred by the national government due to non-payment of taxes by illegal Chinese POGO workers,” ayon sa resolusyon.
Sa report ng National Bureau of Investigation (NBI), 91 na umano ang Chinese nationals na biktima ng Chinese sex rings ang na-rescue at apat na Filipino, hindi pa kasama rito ang mga babaing mula sa Malaysia at Vietnam.
Nabatid na P15,000 ang sinisingil ng mga Chinese sex dens sa mga POGO workers para sa mga Filipina at P20,000 hanggang P30,000 kapag mga Chinese na babae.
Mas kailangang sugpuin umano ang Chinese sex rings na ito lalo na’t ang Pilipinas na ang top 1 sa gender equality sa Asia at upang matigil na ang pambibibiktima sa mga Asian women ng sindikato mula sa China.
396