‘Di na makontrol ng Marcos admin – solon INFLATION PAPALO SA 8.6 PERCENT

(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

MAAARING umakyat sa 8.6 percent ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo o inflation sa bansa ngayong Disyembre.

Mas mataas ito sa 8.0 percent na naitala nitong Nobyembre.

Batay sa projection ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), dahil sa pagtaas ng singil sa kuryente, presyo ng agricultural commodities, karne, isda at mas mataas na presyo ng LPG ay posibleng pumalo sa pagitan ng 7.8 percent hanggang 8.6 percent ang inflation rate ngayong buwan.

Maaari naman itong hatakin pababa ng serye ng oil price rollback at bahagyang paglakas ng piso kontra dolyar.

Ayon naman kay BSP Governor Felipe Medalla, posibleng ito na ang peak ng inflation rate bago ito magsimulang bumaba sa darating na Enero.

Kaugnay nito, nababahala ang isang mambabatas sa Kamara na hindi na kayang kontrolin ang pagtaas ng inflation sa bansa.

Paglalarawan ni ACT party-list Rep. France Castro, nakaiiyak ba ang presyo ng sibuyas na pula na umaabot na sa P720 kada kilo sa mga palengke sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Ayon sa mambabatas, malayong-malayo ito sa P170 kada kilo na unang itinakda ng Department of Agriculture (DA) noong Nobyembre na kalaunan ay itinaas sa P250 ngayong buwan.

Sinabi ng mambabatas na indikasyon ito na hindi na makontrol ng gobyerno ang inflation rate na lalong nagpapalubog sa mga tao lalo na sa mahihirap na consumers.

“Out of control na talaga ang inflation. Walang magawa ang Marcos Jr. admin,” ayon pa sa mambabatas.

Noong November ay naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang inflation sa 80% na mas mataas sa 7.7% noong Oktubre.

Inaasahan ni Castro na lalong lolobo ang inflation rate ngayong Disyembre dahil hindi nakokontrol ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin kasama na ang pulang sibuyas na mahalaga sa pagluluto ng mga Pilipino.

Kinastigo rin ng mambabatas ang DA dahil sa payo ng mga ito na huwag bumili ng isang kilong sibuyas kundi tingi-tingi lang dahil sa katotohanan aniya ay matagal na itong ginagawa ng consumers.

“Talagang tingi-tingi lang ang kaya ng ating mga kababayan. Kahit hindi nila (DA) sabihin, hanggang dyan lang talaga ang kaya natin,” ayon sa mambabatas.

Imbes na magbigay aniya ng ganitong ng payo ang ahensya na pinamumunuan ni Marcos ay dapat resolbahin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain sa pamamagitan ng pagtiyak ng sapat na supply.

Gayunpaman, kontra ang mambabatas na mag-angkat ng mga agricultural product para resolbahin ang problema sa supply dahil kaya umano itong gawin kung bubuhusan lang ng tulong ang mga lokal na magsasaka.

Samantala, iniulat ng DA na target nitong isapinal ang rekomendasyon na P250 kada kilogram suggested retail price (SRP) ng pulang sibuyas sa gitna ng sumirit na presyo nito sa wet markets.

“If this will be implemented, the P250 per kilo SRP will be effective until the first week of January,” ayon kay Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista.

242

Related posts

Leave a Comment