‘’DI SUICIDE, POSIBLENG PINATAY ANG ASAWA KO’

saudi22

HINILING ng misis ng umano’y nag-suicide na overseas Filipino worker (OFW) na isailalim sa awtopsiya ang kanyang mister dahil hindi siya naniniwalang nagpakamatay ito.

Sinabi ni Gilda Merced Dayanan, asawa ni Roger Dayanan, na naniniwala siyang may foul play at hindi suicide ang ikinamatay ng kanyang asawa sa Saudi Arabia.

Noong Pebrero umano ay nagsabi ang kanyang asawa na may natuklasan siyang anomalyang ginagawa ng mga kasamahan niya sa farm na pinagtatrabahuhan nito.

Isang nagngangalang ‘Riyad’ umano ang nagbanta na papatayin si Roger dahil natuklasan nito ang kanilang lihim. Mula umano noon ay lagi nang binabantayan ng mga tauhan ni ‘Riyad’ ang mga kilos ng biktima at maging ang phone calls umano nito sa Pilipinas ay inaalam.

Sinabi ni Gilda na humihingi na ng tulong ang kanyang asawa para iligtas sya sa kanyang pinagtatrabahuhan ngunit huli na ang lahat dahil sa umano’y pagbigti ng biktima.

Hindi rin naniniwala si Gilda na magagawa ito ng kanyang asawa lalo pa’t humihingi na ito ng tulong upang umalis na sa pinagtatrabahuhan at makauwi na ng Pilipinas.

Alam din umano ng biktima na nanganganib na ang kanyang buhay matapos syang sunud-sunod na pagbantaan ni ‘Riyad’.

Sinabi ni Vice Consul Lemuel Lopez, pinuno ng Assistance to Nationals of consulate, na pinaalam na nila sa mga awtoridad sa Saudi ang suhesiyon na isailalim si Roger sa awtopsiya upang malaman ang sanhi ng pagkamatay nito.

96

Related posts

Leave a Comment