(NI DAHLIA S. ANIN)
NAGBUKAS ng mahigit sa 26,000 posisyon ang Department of Health (DoH) para maging community health workers.
Aabot sa 26,035 kontraktwal na posisyon ang binuksan ng ahensya matapos aprubahan ang budget para sa deployment program ng DoH.
Kasama sa mga posisyong maaring aplayan ay doktor, nurse, dentista, medical technologist, nutrionist-dieticians, pharmacist, physical therapist at midwife.
Ayon sa Director of Health Human Resource Development ng Bureau ng DoH na si Kenneth Ronquillo, “Ito yung mga profession na kailangan natin sa rural health unit usually. Sa highly-urbanized and independent component cities, nakikita sila sa mga health center sa natin.”
Makatatanggap umano ang mga matatanggap na empleyado ng mga benepisyo katulad ng regular na empleyado kahit na kontraktuwal ang kanilang posisyon.
Ayon pa sa ahensya, isang taon ang kontrata nila na maaring ma-renew depende sa magiging performance ng empleyado.
Sa kabila nito, tutol naman ang Alliance of Health Workers sa uri ng employment na ito.
“Kung tuluy-tuloy itong offer ng ating gobyerno sa contractualization ng health workers, talagang aalis ang ating health workers,” ani Alliance of Health Workers National President Robert Mendoza.
Iginiit naman ng DoH na may proseso ang pag-apruba ng mga regular na posisyon.
“Inaayos natin yan with the Department of Budget and Management, and within the context of Universal Health Care Law,” ayon pa kay Ronquillo
Titiyakin ng DoH na sapat ang bilang ng mga graduates na handang maging healthworkers sa bansa bago nila aprubahan ang regular na posisyon.
127