(NI BETH JULIAN)
PINAALALAHANAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamunuan ng Philippine Air Force (PAF) na ingatan at pahalagahan ang mga gamit na kanyang binili dahil maaaring hindi na maibigay ng susunod na administrasyon ang kanilang mga hiling.
Sa talumpati ng Pangulo sa ika-72 anibersayo ng Philippine Air Force sa Villamor Air Base nitong Martes, direkta niyang inihayag ang pagpapaalala kasabay ng pagbibigay papuri sa mga kasapi ng PAF.
Nagpapasalamat din ang Pangulo sa pag-protekta sa Malampaya natural gas plant.
“Atin ang Philippine Rise, atin ang Malampaya natural gas plant,” pahayag ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, saludo siya sa PAF sa pagprotekta sa teritoryo, defense, aerial reconnaissance at maritime territory sa West Philippine Sea.
Ipinangako ng Pangulo na itutuloy niya ang modernisasyon hindi lamang sa PAF kundi sa buong Armed Forces of the Philippines (AFP) at tiniyak niyang maisasakatuparan ito bago matapos ang kanyang termino sa 2022.
142