(NI DANG SAMSON-GARCIA)
HINIMOK ni Senador Kiko Pangilinan ang gobyerno na dapat tiyaking matulad sa naging kapalaran ni dating PNP chief Oscar Albayalde ang rekomendasyon laban kay dating Bureau of Corrections (BuCor) Director General Nicanor Faeldon hinggil naman sa sinasabing iregularidad sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) for sale.
Ayon kay Pangilinan, suportado niya ang report ni Senate Blue Ribbon Committe Chairperson Richard Gordon kaugnay sa isyu ng ninja cops dahil malinaw na may cover-up.
“I agree na talagang may pananagutan si Albayalde sa nangyari at sa halip na sagutin nya ang mga paratang sa kanya, sabi nya na pinupulitika siya. Hindi nya sinasagot bakit pinagtakpan nya. Totoo bang sinabi nyang ‘wag silang sibakin? Hindi nya sinasagot,” saad ni Pangilinan.
Gayunman, dapat na rin anyang magkaroon ng rekomendasyon sa imbestigasyon kay Faeldon at sa iba pang Bucor officials na isinasangkot sa iba’t ibang anomalya.
“Ang gusto kong i-follow up kelan ang GCTA,” diin ni Pangilinan.
“Sana kasi yun ang nauna pero parehong mahalaga, parehong importante pero sana hindi na magtagal. Lumabas na rin ang report and findings sa GCTA at pananagutan ni Faeldon,” dagdag ng senador.
“Kaya kung ano ang pagsuporta ko sa findings ng ninja cops, ganun din sa rekomendasyon sa GCTA. Kung yung 2013 ninja cops ganito ang findings, dapat balikan din natin ang P6.4 billion drug shipment, at ang GCTA,” diin pa nito.
210