(NI BETH JULIAN)
NASA pasya na umano ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Libya kung uuwi sila sa Pilipinas o hindi.
Ito ang pahayag ng Malacanang kasabay ng anunsyo na wala pang ipatutupad na force evacuation para sa mga Filipino na nasa Libya.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kahit na naglabas na ng panawagan si Charge d’ Affaires Elmer Cato sa mga Filipino na may kamag -anak na OFW sa Libya na kumbinsihin na umuwi na ng Pilipinas, ikinokonsidera pa rin nila ang sariling desisyon ng mga ito.
Sinabi ni Panelo na nakatatanggap naman sila ng report na may mga Filipino sa Libya ang nagsabi na ligtas naman sila roon.
Gayunman, ayon kay Panelo, sakaling magpasya ang mga Filipino na umuwi sa bansa, may nakahanda namang tulong na ibibigay ang gobyerno.
“If the situation is dangerous for them, they have to go home but according to those who want to stay, it’s not. Eh okay naman daw sa kanila,” ayon kay Panelo.
Sa ulat, lumalala na ang sitwasyon ngayon sa Tripoli dahil sa panggugulo ng militia na una nang nagpatalsik sa pwesto kay Libyan Prime Minister Moammar Gadhafi noong 2011.
172