(NI BERNARD TAGUINOD)
HINIKAYAT ng grupo ng mga kababaihan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang biktima na ginahasa umano ng pinuno ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) na si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon sa kinatawan ng Gabriela Women’s Party sa Kamara na si Rep. Arlene Brosas, hindi pa umano kumpleto ang detalyeng natanggap nito hinggil sa rape case na isinampa ng isang 22-anyos na babae laban kay Quiboloy.
“Nevertheless the victim should pursue the case for justice. It’s only right to speak out lalo pa sa mga cases of rape and human trafficking,” pahayag ng lider ng mga kababaihan sa Kamara.
Base sa mga report, taong 2014 kung saan 17 anyos pa lamang ang biktima ay ginahasa umano siya ni Quiboloy habang nagtatrabaho bilang miracle worker sa nasabing religious group.
Sinabi ni Brosas na karapatan ng biktima na maghanap ng katarungan na mangyayari lamang kung hindi nito iaatras ang kaso na isinampa nito sa Davao region.
Bukod kay Quiboloy ay 5 pang lider ng KJC ang kinasuhan ng biktima ng sexual abuse at forced labor na kinabibilangan nina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Pauline Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemañes.
Dumistansya ang Palasyo sa rape case na isinampa kay Quiboloy na kilalang malapit na kaibigan at supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte.
232