GIRIAN NG 2 KAPULUNGAN ‘DI PA RIN TAPOS

CONGRESS SENATE1

(NI BETH JULIAN)

WALA ring kinahinatnan ang pulong na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mambabatas kamakalawa ng gabi sa Malacanang matapos na hindi pa rin naayos ang girian kaugnay sa isyu ng 2019 national budget.

Gayunman, sa nasabing pulong, pumayag ang Kamara na umayon na lamang sa P3.757 trillion budget version na aprubado ng bicameral conference committee at naratipikahan na ng dalawang kapulungan ng kongreso dahil sa pagpanig ng Pangulo sa mga senador.

Sa pabayag ni Senate President Vicente Sotto III, nais ng Pangulo na resolbahin ang anumang hindi pagkakasunduan ng mga mambabatas.

Sinabi rin ni Sotto na pinanindigan ng Pangulo na hindi nito pipirmahan ang national budget kapag wala niyang pirma.

Sa pulong, iminungkahi ni Senator Panfilo Lacson na bawiin ng Kamara ang kopya ng budget na kanilang pinadala sa Pangulo at ibalik ang bicam report na inaprubahan ng dalawang kapulungan ng kongreso at hindi naman tinutulan ni Sotto.

Dumalo sa nasabing pagpupulong sina Sotto, Senator Panfilo Lacson, Senate Committee on Finance chairperson Loren Legarda, Sen. Gregorio Honasan, Senator Juan Miguel Zubiri, House Committee on Appropriations chairman Rolando Andaya, Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, Majority Leader Fredenil Castro at San Juan Rep. Ronaldo Zamora.

Magugunitang noong Pebrero ay naratipikahan na ng dalawang kapulungan ng kongreso ang version ng budget na inaprubahan ng bicameral panel pero ang House of Representativs ay inaming may mga isiningit na pondo para sa mga ilang mambabatas.

Kaugnay nito, bagaman itinuturing na final arbiter kapag may legal na usapin na hindi naaayos ang Korte Suprema, sinabi ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo na  hindi nila nakikita ang senaryong idudulog ng upper at lower chamber ang budget issue sa SC.

 

 

123

Related posts

Leave a Comment