(NI BETH JULIAN)
NAGLABAS ng guidelines ang Department of Budget and Management (DBM) para sa pagpapatupad ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbibigay ng taas-sweldo sa mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng ikaapat at panghuling yugto ng salary standardization law.
Sa ilalim ng national budget circular number 575 ng DBM na may petsang Marso 25, nakasaad dito ang mga rules and regulations para sa pagpapatupad ng Exective Order 76 ni Duterte.
Saklaw ng circular ang lahat ng posisyon para sa civilian personnel, regular man, casual o contractual, appointees o elective, fulltime o part time sa sangay ng ehekutibo, lehislatura at hudikatura, constitutional commission at iba pang constitutional offices at state universities and colleges.
Hindi naman saklaw ng circular na ito ang mga consultants at experts dahil limitado lamang ang serbisyo sa mga specific activity.
Hindi rin kasali sa coverage ng circular ang mga mangagagawa sa ilalim ng job contracts o pakyaw na tinatawag at ang mga binabayaran depende lamang sa serbisyo o trabaho.
Hindi rin saklaw ng circular ang student workers o apprentees at mga indibidwal o grupo na ang serbisyo ay nasa ilalim ng job orders, contract of service at iba pang katulad na paraan ng serbisyo.
Matatanggap din ng mga kawani ang kanilang mga midyear bonus, productivity enhancement incentive at performance basis bonus alinsunod sa itinakdang rules and regulations.
Ang taas-sweldo sa mga kawani ng gobyerno ay epektibo ng Enero 1, 2019 na nilagdaan ni DBM officer- in- charge Janet Abuel.
295