HEPE NG CIDG POSIBLENG MASIBAK SA PWESTO KUNG…

pnp cidg12

(NI NICK ECHEVARRIA)

MAAARING masibak sa pwesto at makasuhan ang hepe ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kung mapatutunayan na nakikialam  ito sa pulitika.

Ginawa ni PNP Chief General Oscar Albayalde ang pahayag nitong Miyerkoles sa harap ng mga intriga sa pananatili ni CIDG Chief P/MGen. Amador Corpuz sa pwesto sa kabila ng pagtakbo ng kanyang may bahay bilang congresswoman sa May 13 elections.

Ayon kay Albayalde, naniniwala siya sa pagiging isang professional officer ni Corpuz at alam nito ang kanilang pinaiiral na non-partisanship policy, partikular sa panahon ng eleksyon.

Nagkataon lamang aniya ang pagkandidato ng kanyang maybahay sa congressional seat habang si Corpuz naman ang nakaupong hepe ng CIDG.

Sinabi pa ni Albayalde na pito hanggang 10 personnel lamang ng CIDG ang nakatalaga, partikular sa mga  maliliit na probinsya, kaya imposible umanong  mai-impluwensiyan ng mga ito ang resulta ng election sa mga lalawigan lalo na sa distrito kung saan kumakandidatong congresswoman ang maybahay ni Corpuz.

Samantala, binigyang-diin naman ni Corpuz na mananatiling non-partisan ang CIDG at walang papanigang kandidato o anumang political party sa nalalapit na 2019 midterm elections.

Ginawa ni Corpuz ang pahayag  kasunod ng pagkakasangkot ng ilang tauhan umano ng CIDG sa partisan politics kaugnay sa insidente ng political violence sa lalawigan ng Abra noong April 23 kung saan nagkabarilan ang supporters ng dalawang magkalabang pulitiko ng nabanggit na lugar sa Brgy. Budac, Tagum.

Binigyang-diin naman ni Corpuz na ang insidenteng nangyari sa Abra ay isang regular police operations na naaayon sa legal na aspeto ng  tungkulin ng mga awtoridad at walang kinalaman sa  anumang political partisan.

Matatandaang kinuwestiyon ni Incumbent Abra Representative Joseph Bernos ang pagkakatalaga ng mga tauhan ng CIDG mula sa national support unit nito sa Abra.

Si Bernos ang makakalaban ng maybahay ng CIDG Chief na si Vicky Seares Corpuz sa lone congressional seat  ng Abra sa darating na halalan.

 

 

103

Related posts

Leave a Comment