High school students pinatututukan ng solon REPORMA KAILANGAN SA SISTEMA NG EDUKASYON

PINATUTUTUKAN ni Senador Win Gatchalian ang mga high school student para makasabay sa mga bansa sa South East Asia pagdating sa core subjects tulad ng Reading, Writing at Mathematics.

Paliwanag ng senador, lumalabas na hindi sapat ang kakayahan ng maraming mag-aaral na nasa elementarya na tumuntong ng high school.

Ito’y kasunod ng isinagawang pag-aaral sa mga Grade 5 student sa Timog-Silangang Asya pagdating sa core subjects tulad ng Reading, Writing, at Mathematics.

Ayon kay Gatchalian, hudyat ito na kailangan ang agarang reporma sa basic education curriculum upang hindi mapag-iwanan ang mga mag-aaral sa bansa.

Base sa Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) 2019, 10 porsyento lamang ng mga mag-aaral sa bansa ang may sapat na kakayahan sa pagbabasa (Reading) upang makatuntong sa high school.

Labing-pitong porsyento naman aniya ang may sapat na kakayahan sa Matematika upang makatuntong sa high school at pagdating naman sa pagsusulat (Writing), isang (1) porsyento lamang ang may kakayahang sumulat nang malinaw at may malawak na bokabularyo.

Ang pag-aaral ay isinagawa ng Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) at ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) sa anim na bansa. Sa Pilipinas, may mahigit anim na libong (6,083) mag-aaral ang nakilahok sa pag-aaral.

Ayon kay Gatchalian, pinapaalala ng resulta ng SEA-PLM 2019 ang resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) kung saan sa halos walumpung (79) bansa, ang Pilipinas ang may pinakamababang marka pagdating sa Reading Comprehension. Pilipinas din ang pangalawang pinakamababa pagdating sa Science at Mathematics.

“Lumalabas sa resulta ng SEA-PLM na lalo tayong dapat magsulong at magpatupad ng mga reporma sa ating sistema ng edukasyon—mula sa guro hanggang sa ating curriculum—upang masigurong natututo ang ating mga mag-aaral. Bagama’t nasa kalagitnaan tayo ng krisis dahil sa pandemya ng COVID-19, lalo nating dapat isagawa ang mga repormang ito upang hindi lalong mapag-iwanan ang ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian na siyang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Maliban sa pag-streamline sa curriculum, mahalaga rin ani Gatchalian ang pagtuturo sa 4Cs: Critical Thinking, Creative Thinking, Collaboration, at Communication. (NOEL ABUEL)

348

Related posts

Leave a Comment