MALAKI ang pag-asang ma-impeach si Supreme Court Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen dahil wala umano itong sapat na supporters sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ito ang paniniwala ng ilang mambabatas na nakausap ng Saksi Ngayon ngunit hiniling ng mga ito na huwag nang banggitin ang kanilang pangalan, kaugnay ng impeachment case na isinampa ni FLAG Secretary General Edwin Cordevilla laban kay Leonen.
“Kung magbibilang tayo, 8 congressmen lang ang susuporta sa kanya,” ayon sa isang impormante, na malayong-malayo aniya sa 152 votes na kailangan para maibasura ang impeachment complaint laban sa mahistrado.
Ang tinutukoy ng impormante ay ang 12 Liberal Party (LP) congressmen at 6 na Makabayan bloc congressmen na unang pumalag sa nasabing kaso dahil bahagi umano ito ng pagpaparusa ng administrasyon sa mga dissent.
Sa ngayon ay tanging si Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos Barba ang nag-endorso sa impeachment complaint ni Cordevilla dahil sa paniniwala nito na ‘sufficient in form and substance” ang nasabing reklamo.
Dahil dito, walang opsyon ang House committee on justice na pinamumunuan ni Leyte Rep. Ching Velasco kundi dinggin ang nasabing reklamo kung saan pagbobotohan ang sufficiency in form and substance ng kaso sa committee level.
Sakaling aprubahan ito sa committee level ay iaakyat sa plenaryo ang kaso kung saan pagbobotohan ng 303 congressmen at mula sa nasabing bilang ay 18 lamang umano ang tiyak na botong makukuha ni Leonen.
Nangangailangan lang ng majority o 152 votes para maiakyat ang kaso sa Senado na tatayong Impeachment court.
“Pero hindi na kailangang mag-hearing ang Justice committee kung in the coming days ay aabot sa 101 ang mag-eendorse sa impeachment complaint. Automatic na iaakyat ang article of impeachment sa Senate,” ayon naman sa isa pang mambabatas na nakausap ng Saksi Ngayon.
Sa ngayon ay umaabot sa 270 congressmen ang nabibilang o kasapi sa majority bloc sa Kamara kabilang na ang 59 mula sa partido ni Pangulong Rodrigo Duterte na PDP-Laban.
Noong Lunes kinasuhan si Leonen, appointee ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.
Kaugnay ito ng hindi pag-aksyon ni Leonen sa mga kasong nakatalaga sa kanya sa Korte Suprema at pagiging biased umano sa mga kasapi ng partido ni Aquino at hindi paghahain ng kanyang
Statement of Assets Liabilities and Net worth (SALN) sa loob ng 15 taon. (BERNARD TAGUINOD)
