HINAMON ni Caloocan City Congressman Edgar “Egay” Erice ang Malakanyang na isapubliko ang tunay na kalagayan ng kalusugan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil nakasalalay aniya rito ang katatagan ng bansa.
Naging maugong ang mga impormasyon na sikretong nagtungo sa Mount Elizabeth Medical Centre sa Singapore si Duterte upang ipagamot ang kanyang sakit sa atay subalit patuloy na itinatanggi ito ng Malakanyang sa kabila ng larawan ni dating SAP at ngayon ay Senador Bong Go na kumakalat sa iba’t ibang chat groups na ang background ay ang nasabing
ospital.
“It is necessary for the stability of the country to clarify state of health of the president if he is really hospitalized,” ani Erice. “During the time of FVR, Malacanang even briefed then VP Erap (Joseph Estrada) and prepared him to a possible transition scenario of something happens to FVR in his carotid operation,” dagdag pa ni Erice.
Kaugnay nito, naniniwala naman si ACT party-list Rep. France Castro na hindi balakid ang nakabinbing election protest ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos laban kay Gng. Leni Robredo sa pag-upo nito sakaling may mangyari kay Duterte dahil siya naman daw ang idineklara ng Commission on Elections (Comelec) na nanalong Bise Presidente noong 2016 presidential at vice-presidential election.
“Hindi gaanong makaaapekto ang election protest ni Bongbong. Final naman ang proclamation ng Comelec kay Leni,” ayon kay Castro na mula sa progresibong grupo ng Makabayan.
Bagamat hindi naniniwala na may mangyayaring masama kay Duterte, ganito rin ang pananaw ni Erice, kapartido ni Robredo sa Liberal Party sa Kamara na hindi hadlang ang protest ni Marcos sa pag-upo ni Robredo sakaling magkaroon ng vacancy or incapacity sa Office of the President.
“A protest is just a protest and in hypothetical incident of the President’s incapacity or death, it is the constitutional mandate of Leni Robredo to take over the affairs of the presidency,” ani Erice.
Hindi naman isinantabi ni Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat ang posibilidad na maghahabol pa rin si Marcos kung walang mailalabas na pinal na desisyon agad ang Presidential Electoral Tribunal (PET).
Sa ngayon ay higit apat na taon nang nakabinbin ang election protest ni Marcos laban kay Robredo sa PET na siyang dumidinig sa kaso at tila hindi na umusad mula nang ito ay hawakan ni Justice Marvic Leonen na isa sa mga naging Aquino appointee sa Korte Suprema.
Ayon naman kay Atty. Felipe Egargo, Jr., dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines QC Chapter (IBP-QC), ang pinakamalaking chapter ng Integrated Bar, ang Senate President and siyang dapat humalili sa pangulo kung sakaling may mangyari dito na magreresulta sa permanent incapacity or death.
“Unless she is cleared of the illegitimacy issue, Robredo cannot be made to assume the presidency as it will create more questions than answer. Just like Caesar’s wife, she must be above suspicion,” ani Egargo.
“While all these are just a scenario, we would like to call on Honorable Justice Marvic Leonen, the one in charge of the Marcos protest, to please act with dispatch and urgency, not to waste more time and finally settle the case so that we can all find out who really won and enjoy the political stability that have all long eluded us,” dagdag pa ni Egargo.
213