(NI JESSE KABEL)
NAGBANTA ang Department of Information and Communications Technology (DICT) laban sa mga nagpapakalat ng video scandal ng singer na si Jim Paredes na tiyak na maharap sila sa mabigat na kaparusahan.
Ito ay matapos na aminin ni Jim Paredes, miyembro ng sikat na Apo Hiking Society, na totoo at siya mismo ang nasa kumakalat na sex video scandal.
Ayon kay DICT acting Sec. Eliseo Rio Jr., maaring managot sa batas ang mga mapatutunayang sangkot sa leakage ng naturang video at malinaw umanong paglabag sa cybercrime law.
“Nasa cyber crime ‘yun. Do not share anything na talagang; that is a private video. Common sense lang na hindi dapat i-share,” babala pa ni Rio.
Kaugnay nito, pinayuhan ng opisyal ang publiko na maging maingat din sa kanilang aksyon at maging responsable rito.
“Whatever you think should not be done in the real world, do not do it in the virtual world.”
Kaugnay nito tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na nakahanda silang magbigay ng ayuda sa Original Pilipino Music (OPM) music legend.
Ayon kay PNP spokesperson Police Col. Bernard Banac, sa ngayon ay wala pa silang report na humingi ng tulong sa kanila si Paredes para matukoy kung sino ang nasa likod sa pagpapakalat ng naturang video kung saan makikitang nilalaro nito ang kaniyang ari habang may ka-chat.
Pero giit nito na willing ang PNP na mag-imbestiga dahil paglabag ito sa cyber crime Law.
Maging si PNP Chief Oscar Albayalde ay nakahanda raw mag-assist sa 67-year-old veteran singer kung maghahain siya ng pormal na reklamo sa PNP Anti-Cyber Crime Group.
Sinasabing maaring ma-trace ng mga cyber forensic expert ang IP address ng mga device at internet connection ng mga mensaheng dinaanan ng nasabing video.
183