(NI NICK ECHEVARRIA)
MATAPOS matiyak ang kaligtasan ng publiko sa paggunita ng Semana Santa, pagtutuunan naman ngayon ng pansin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang seguridad sa mga tourist destinations, mga malls at shopping centers na malimit puntahan ng publiko.
Ayon kay NCRPO Chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang muling pagde-deploy ng maraming bilang ng kanilang mga personnel sa iba’t-ibang mga lugar at establisimyento ay para siguruhin ang kaligtasan, hindi lamang ng mga turista kung hindi ng publiko sa pangkalahatan, para hindi mabiktima ng mga kawatan ngayong summer season.
Ayon kay Eleazar sa pagtatapos ng Holy Week, asahan na ang pagdagsa ng mga turista sa Metro Manila, partikular sa mga shopping malls at iba pang mga lugar, na kailangan nilang bigyan ng sapat na seguridad.
Gayunman tiniyak ni Eleazar na hindi naman ito makaaapekto sa mga nakatalagang security personnel ng PNP sa mga terminals, paliparan at pantalan na nagbabantay naman sa kaligtasan ng mga libu-libong bakasyunista na magsisibalikan sa Kamaynilaan matapos ang Lenten break ng mga ito mula sa mga lalawigan.
Mahigpit na rin ang utos ng NCRPO Chief sa limang distrito ng pulisya na nasasakupan nito tulad ng Manila Police District (MPD), Quezon City Police District (QCPD), Northern Police District (NPD), Southern Police District SPD) at Eastern Police District (EPD).
Makikipagtulungan ang mga itatalagang police personnel sa mga kasalukuyang checkpoints para mapigilan ang anumang tangka ng mga kriminal na grupo.
Idinagdag pa ni Eleazar na mananatiling nasa full alert status ang NCRPO hanggang sa makabalik na ang mga nagbakasyon galing sa mga probinsya.
137