MONITORING IKINASA SA COVID VACCINES

0

SINIMULAN na ng Food and Drug Administration (FDA) ang monitoring sa lot number ng mga COVID-19 vaccine sa bansa.

Ito’y kaugnay ng pagkakahuli kamakailan sa ilang indibidwal na ilegal na nagbebenta ng COVID-19 vaccine.

Sa panayam sa radyo kay FDA chief, Dr. Eric Domingo, ang hakbang ng ahensya sa mga lot number o batch codes ay para matukoy kung bahagi ng bakunang inangkat ng bansa o donasyon dito ang mga ilegal na ibinebenta.

Ayon kay Domingo, nakaaalarma ang ilegal na bentahan ng bakuna dahil posibleng maapektuhan ang suplay nito maging ang mga indibidwal na dapat maturukan nito.

Kaugnay nito, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na tutugisin nila ang mga ilegal na nagbebenta at maging ang mga bibili ng COVID-19 vaccines.

Nanawagan din sa publiko ang PNP na makipagtulungan sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sakaling may alam sila na ganitong kalakaran.

Nauna rito, naaresto sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nurse na si Alexis de Guzman kasama sina Calvin Yeung Roca, Filipino-Chinese at Kour Singh dahil sa tangkang pagbebenta ng COVID-19 vaccine na nagkakahalagang isang milyong piso.

Ikinasa ng NBI task force against illegal drugs sa ilalim ni Ross Jonathan Galicia, ang nasabing operasyon.

Hinihinalang mga Chinese POGO worker ang parukyano ng mga suspek.

Samantala, inatasan na rin ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pamunuan ng Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMMC) na imbestigahan ang pagkakahuli kay De Guzman, na sinasabing 15 taon nang nagsisilbi sa nasabing pagamutan.

Ayon kay Moreno, kinausap na niya si GABMMC Director Dr. Ted Martin na magsagawa ng administrative proceedings at maghain ng kaukulang kaso laban kay De Guzman. (RENE CRISOSTOMO)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment