MOU NA PNP, AFP, BAWAL SA UP, PINAREREBYU SA SENADO

albayalde12

(NI AMIHAN SABILLO)

IPINARE-REVIEW ni PNP Chief Police Gen Oscar Albayalde kay Senator Ronald Bato Dela Rosa ang 1989 Department of National Defense (DND) at University of the Philippines(UP)  memorandum of understanding (MOU).

Ilan lang sa nilalaman ng kasunduan ay hindi maaring makapasok sa lahat ng UP campus ang mga sundalo at mga pulis nang walang pahintulot mula sa UP Administration.

Ayon kay PNP Chief Police Gen Oscar Albayalde matapos ang mga reklamo ng mga magulang sa pagdinig sa Senado nitong Miyerkoles kung saan napariwara umano ang kanilang mga anak nang mai-recruit ng New People’s Army (NPA) ay hindi umano maaari nang ipatupad ang ilang probisyon sa agreement.

Nais ng PNP na  ma-review ang kasunduan sa pagitan ng DND at UP lalo at government property ang lahat ng  eskwelahan  ng UP.

ANAKBAYAN HINAMON NG PNP

“Bakit hindi nila sagutin isa-isa ang mga alegasyon ng kidnapping?”

Ito ang hamon ni PNP chief Albayalde sa militanteng grupo na Anakbayan kaugnay sa isyu ng mga nawawalang kabataan na ni-recruit umano nila sa iba’t ibang paaralan sa Metro Manila.

Ayon kay Albayalde, palagi na lang umanong naninisi ang mga militante at sinasabing ang pamahalaan, sa pangunguna ng AFP at PNP, ang nasa likod ng pagdukot, kaya panahon na para sagutin ng Anakbayan ang tinuran ng mga magulang ukol sa kanilang mga anak.

Nitong Miyerkoles, sa pagdinig sa Senado, naging emosyunal ang magulang ng isa sa mga kabataang nawawala at ikinuwento ang epekto ng recruitment ng mga militante sa mga estudyante.

Una na ring sinabi ni Albayalde na ikinatatakot niyang baka dinala sa bundok ang mga kabataan, at baka madamay sa engkwentro ng mga militar at rebelde.

Nakababahala umano ang posibilidad na namundok na at sumama sa NPA ang mga kabataang ito matapos ma-brainwash ng Anakbayan.

Ganito aniya ang kaso ng isang estudyante ng UP na kasama sa mga napatay na terorista sa engkwentro ng militar at NPA kamakailan, kung saan inakusahan pa ng Anakbayan ang PNP at AFP ng human rights violation.

Sa ngayon umano ay sinampahan na ng kaso ng PNP nitong August 1 ang mga miyembro ng Anakbayan na itinuro ng isa sa mga magulang na humarap sa Senate hearing na si Relissa Lucena, na umano’y responsable sa pagkawala ng kanyang anak.

143

Related posts

Leave a Comment