P6-B DAGDAG SA 2019 NAT’L BUDGET IGINIIT

(NI NOEL ABUEL)

ISINUSULONG sa Senado ang pagdaragdag ng P6 bilyon sa 2019 national budget na gagamitin sa unconditional cash transfer sa mga magsasaka ng bigas sa bansa.

Inihain ni Senador Francis Pangilinan  ang Senate Bill 1191 na nagsasaad ng P6 bilyong supplemental budget para sa direct cash transfers sa mga mahihirap na rice farmers na mayroong sinasakang isang ektaryang lupain pababa upang makatugon sa pagbagsak ng presyo ng bigas dahil na rin sa pagdagsa ng mga imported na bigas.

Tiwala aniya ito na makalulusot ang panukala nito lalo na at may katapat itong House Bill 5629 na inihain ni Quezon City Rep. Christopher ‘Kit” Belmonte, na malaking tulong para magpatuloy sa pagtatanim ng palay ang mga magsasaka.

“Ang buhay at kabuhayan ng ating mga magpapalay ay nasa panganib, at dapat nating tratuhin ito bilang isang emergency situation na nangangailangan ng agarang atensyon,” ani Pangilinan.

Ang nasabing cash transfer ay ipagkakaloob habang isinasaayos ang butas ng Republic Act 11203 o ang Rice Tariffication Act.

Paliwanag ni Pangilinan, walong buwan matapos maging batas ang RA 11203 ay bumagsak ang farmgate prices ng palay sa pinakamababang presyo nito na P7.00 hanggang P10.00 kada kilo sa ilang lalawigan habang bumagsak din sa 2.9 porsiyento ang presyo ng bigas.

Dagdag pa ng senador, ang supplemental fund ay manggagaling sa Department of Budget and Management (DBM) at direktang ipagkakaloob sa Department of Agriculture (DA) na siyang mamahagi ng pondo sa mga benepisyaryong magsasaka.

142

Related posts

Leave a Comment