(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG makabawi ang mga magsasaka sa P8 billion na nawala sa kanila dahil sa El Nino, hiniling ng isang mambabatas sa Kamara na itaas sa P20 ang farm gate price ng palay.
Ayon kay Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao, kailangang bigyan ng ayuda ng gobyerno ang mga magsasaka na kakaunti lang ang naani dahil sa El Nino imbes na ibaon pa ang mga ito sa kahirapan.
“We call on the Duterte government to control the farm gate price of palay in calamity areas, to protect the farmers from profiteering and exploitation of traders,” ani Casilao.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil binibili lang umano ang ani ng mga magsasaka ng mula P13 hanggang P16 kada kilo dahil sa Rice Tariffication Law na nagsimulang ipatupad noong Marso.
Napakababa aniya ito sa P20.55 kada kilo ng palay noong Abril 2018 kung saan pinag-uusapan pa lamang sa Kongreso ang batas na iniakda nina House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at Senator Cynthia Villar.
PRESYO NG BIGAS SA MGA STATE OF CALAMITY AREA PINAKOKONTROL
Maliban dito, iginiit din ng mambabatas na kontrolin ang presyo ng bigas sa mga lugar na isinailalim sa State of Calamity upang hindi mahirapan lalo ang mga apektadong magsasaka.
“The government should also enforce control of the retail price of rice in calamity-stricken areas, to ease the impact of the loss of livelihood of farmers and other sectors relying on agriculture,” ani Casilao.
Nabatid na mayroong 43 Local Government Unit (LGUs) ang nagdeklara ng State of Calamity matapos matuyo ang kanilang sakahan dahil sa El Nino.
Ayon sa mambabatas, pareho lang ang presyo ng bigas sa mga lugar na tinamaan nang husto ng El Nino kaya nararapat lamang umano ng kontrolin ang presyo nito upang hindi mahirapan pa lalo ang mga magsasaka.
Magagawa aniya ito sa pamamagitan ng Section 17 ng Republic Act (RA) 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act kung saan maaaring kontrolin ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa panahon ng kalamidad.
294