(NI ABBY MENDOZA)
PARA mas maraming Pinoy ang mahikayat na magtrabaho na lang sa bansa kaysa abroad, hinimok ni ACTS-OFW Party-list Rep John Bertiz ang gobyerno na gawing P900 pesos ang minimum wage ng mga construction workers sa bansa.
Ayon kay Bertiz maraming infrastructure projects ngayon ngunit nagiging problema pa rin ang kakulangan sa manpower dahil mas pinipili ng Pinoy construction workers na magtrabaho abroad bunsod ng mas malaking kita.
Aniya, kung nasa P537 ang minimum wage sa Metro Manila, sa mga bansang gaya ng New Zealand ay umaabot sa P5,300 kada araw ang sahod ng OFW na nasa construction sector.
Kumpiyansa si Bertiz na maaaring magdalawang-isip ang mga manggagawa at manatili na lang sa Pilipinas kung tataasan ang kanilang sahod lalo’t nakasaad naman sa batas na may kapangyarihan ang regional tripartite wages and productivity boards na itaas ang suweldo sa bawat industriya.
Nasa 75 big-ticket infrastructure projects ang inilatag ng administrasyong Duterte bilang economic growth strategy na nagkakahalaga ng P9 trillion kabilang dito ang Metro Manila Subway at inaasahang magbibigay trabaho din sa mga Pinoy.
141