Palpak na EO sinong nag-utos? MARCOS JR. LAGLAG SA ECONOMIC TEAM

(CHRISTIAN DALE)

PALAISIPAN ngayon kung kaninong ideya ang pagpapatupad ng Marcos administration ng price ceiling sa bigas matapos aminin mismo ng kanyang economic team na hindi sila kinonsulta sa nasabing usapin.

Pag-amin ni Finance Secretary Benjamin Diokno, hepe ng economic manager ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi man lang nagpasintabi at kinonsulta ang economic team ng administrasyon sa implementasyon ng Executive Order No. 39.

Inalala ng Kalihim na ang economic managers, ang mga Kalihim ng DoF at Department of Budget and Management (DBM) at maging ng National Economic and Development Authority (NEDA) ay nasa Japan nang ipalabas ang EO No. 39 at ianunsyo sa publiko.

Tinuran ni Diokno na nagulat siya sa anunsyo.

“Nasa Japan kami talaga when that was announced. Magkatabi kami ni Arsi (NEDA Secretary Arsenio Balisacan). Nagulat nga kami, lumabas. Nagulat siyempre,” ang sinabi ni Diokno.

Matatandaang ipinalabas ni Pangulong Marcos ang EO 39 noong Agosto 31, na may ‘mandated price ceiling’, para sa regular milled rice ay P41.00 per kilogram habang ang mandated price cap para sa well-milled rice ay P45.00 per kilogram, simula noong Setyembre 5.

Hindi rin masabi ng DOF kung gaano kalaki ang impact ng price control sa inflation dahil hindi kinonsulta ang economic team.

Sinabi ni Diokno, ang price cap ay maaaring ipatupad lamang ng hanggang isang buwan, dahil kapag pinatagal ay hindi ito masu-sustain.

“It has adverse effects if allowed to linger for a longer period,” aniya pa.

Noong nakaraang linggo, sinibak ng Malacañang si Cielo Magno bilang finance undersecretary makaraang batikusin ang price caps.

DA: Presyo ng bigas
magiging stable sa Oktubre

Samantala, kumpiyansa ang Department of Agriculture (DA) na magiging stable ang presyo ng bigas at palay dahil magsisimula na ang anihan ngayong Setyembre at Oktubre.

Target ang initial harvest na 5 milyong metriko tonelada.

Base sa Philippine Rice Information System (PRiSM), tinatayang “as of August 14”, ang inisyal na naaning palay ay umabot sa  2 MMT sa pagtatapos ng Setyembre at 3 MMT sa buwan ng Oktubre, may kabuuang 5 MMT.

“In all, for the second semester, or July to December, we estimate to produce more than 11 million metric tons, and barring strong typhoons in the remaining months of the year, we hope to hit the 20-million MT level for 2023 national palay output,” ang sinabi ni DA Undersecretary for Rice Industry Development Leo Sebastian sa kanyang report kay Pangulong Marcos Jr.

151

Related posts

Leave a Comment