(NI BERNARD TAGUINOD)
IPINATUTULONG ng isang mambabatas sa Kamara ang Public Attorney’s Office (PAO) sa mga public school teachers na binu-bully umano sa media.
Ayon kay Binan Laguna Rep. Marlyn Alonte, panahon na para maproteksyunan ang karapatan ng public school teachers na dahil sa konting mali umano ay pinagtutulungan at nagiging biktima ng pambu-bully.
“For teachers whose rights need protecting right now, I ask the Public Attorney’s Office to swiftly come to the aid of these teachers,” ayon sa mambabatas kaya maghahain umano ito ng panukala para proteksyunan ang karapatan ng mga guro.
Nataon ang pahayag ni Alonte sa isyu hinggil sa umano’y pagpressure ng broadcaster na si Raffy Tulfo na mag-resign na lamang sa pagtuturo upang hindi kasuhan ng mga nagreklamo.
“There is urgent need for this bill because teachers are being denied due process and competent legal defense, humiliated in trial by publicity, and are under attack by trolls and heartless misinformed netizens in social media,” ayon pa kay Alonte.
Noong nakaraang Kongreso ay hindi naipasa ang panukala ni ACT party-list Reps. France Castro at Antonio Tinio na “Teacher’s Protection Bill” dahil sa kakulangan ng oras.
Dahil dito, sinabi ni Alonte na maghahain ito ng hiwalay na panukala para bigyan ng tulong legal ang mga public school teachers na biktima umano ng pambu-bully sa media.
363