Pasaring ni Alvarez NEXT PRESIDENT DAPAT LEADER, NOT PRETENDER

“WE need a leader, tunay na leader at hindi pretender.”

Ito ang pahayag ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez kasabay ng paglulunsad ng “We Need a Leader 2022″ na isang voters education upang maigiya ang mamamayan sa kanilang ibobotong susunod na pangulo ng bansa.

Ayon kay Alvarez, nahaharap ang bansa sa pandemya na puminsala nang husto sa ekonomiya ng bansa dahil naging dahilan ito ng pagsasara ng maraming negosyo, pag-uwi ng libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) at pagkawala ng trabaho ng milyun-milyong Pilipino.

Ang mga magsasaka, magbababoy, magmamanok at mangingisda, umiiyak sa pagbagsak ng presyo ng kanilang mga produkto dahil sa walang tigil na importasyon. Nakaluhod at nagmamakaawa ngayon ang ating agrikultura,” ani Alvarez.

Dahil wala aniyang negosyo, trabaho ay gutom ang mga tao at ang mga kabataan ay hindi nakapag-aaral kaya nanganganib ang kinabukasan ng mga ito.

“Idagdag pa natin, ang West Philippine Sea, na teritoryo ng Pilipinas, ay pinapasok din at gustong agawin ng mga dayuhan. Araw-araw, umiinit ang tensiyon sa pagitan ng bansang Amerika at Tsina, paano na kung sumiklab bigla ang digmaan?,” ani Alvarez.

Dahil dito, naglatag ang mambabatas ng apat na kondisyon sa pagpili ng susunod na pangulo ng bansa at pangunahin aniya rito ay dapat mayroon itong utak para “maintindihan niyang mabuti

ang mabibigat na problema ng bansa upang sa ganoon ay makapagbigay siya ng tamang solusyon para sa ikabubuti ng bayan”.

“Pangalawa, siya ba ay may puso at damdamin para sa tao?”

Kinakailangan ang presidente ay hindi manhid sa kalagayan ng mga kababayang Pilipino. Ramdam niya dapat ang paghihirap at sakit na dinaranas ng kanyang kapwa-tao,” dagdag pa nito.

“Pangatlo, siya ba ay may bayag?

Kailangan ang presidente, may lakas ng loob para harapin ang mabibigat na problema ng bansa at buong tapang na magdesisyon para ipatupad ang makahulugang reporma na ikabubuti ng karamihan kahit na sino ang masagasaan,” dagdag pa ng dating mambabatas.

Ikaapat aniya ay dapat may paninindigan ang susunod na pangulo dahil “kinakailangan ang presidente ay may isang salita. Hindi puwede ang pabago-bago at atras-abante.”

“Ito ang presidente ko: May utak, puso at damdamin, bayag, at paninindigan. Samakatuwid ay may kakayahang mamuno,” ayon pa kay Alvarez. (BERNARD TAGUINOD)

62

Related posts

Leave a Comment