(NI BERNARD TAGUINOD)
HINIMOK ng isang mambabatas sa Kamara ang mga Pinoy workers sa ibang bansa na ilevel-up ang kanilang talento at mag-aral maging welder dahil mas malaki ang sahod dito kaysa sa sinasahod nila bilang kasambahay.
Ayon kay ACTS-OFW party-list Rep. Aniceto Bertiz III, hindi dapat makontento ang mga Filipina workers sa kanilang sinasahod na $400 lamang kada buwan kaya dapat mang-aral ang mga ito bilang welder pagbalik ng mga ito sa Pilipinas para sila ay lalong umasenso.
Sa katunayan aniya, mga babae rin ang madalas kunin ng mga electronic companies dahil mas steady ang kanilang kamay kumpara sa mga lalaki kaya malaking assets ito aniya ng mga kababaihang manggagawa. Kapag natuto na sa pagwewelding ang mga kababaihan, tiyak na mas malaki ang maiuuwi ng mga ito na sahod kung saan ihinalimbawa nito ang mga Filipino welder sa New Zealand na sumasahod anya ng P5,176 kada walong oras na trabaho o 10 beses na mas mataas sa P537 na minimum wage sa Metro Manila. Maaari umanong ayudahan ng gobyerno ang mga returning OFWs para makapag-aral ang mga ito ng libre bilang welder sa pamamagitan ng Free Technical and Vocational Education and Training na mayroon aniyang P7 bilyon pondo.
347