(NI NOEL ABUEL)
TINIYAK ng ilang senador na huhubaran nito ang mga anomalya na nangyayari sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Giit ni Senador Sonny Angara, kailangang madaliin ang pagsisiyasat sa anomalya sa nasabing ahensya bago pa maimplementa ang Republic Act 11223 o ang Universal Health Care (UHC) Act ngayong taon.
Hindi aniya dapat na palagpasin ang lumabas na anomalya sa Philhealth tulad ng nabunyag na katiwalian sa dialysis center gamit ang pondo ng ahensya.
“At mukhang hindi lang ito ang problema dahil marami nang mga lumabas na iba pang scams gamit ang pondo ng PhilHealth,” ani Angara.
“We want to get to the bottom of all these reported scams, identify the personalities behind them, and come up with policies to prevent similar cases from taking place in the future,” dagdag pa nito.
Sinabi pa nito na dapat managot ang mapatutunayang nagwawaldas ng pondo ng bayan na dapat napapakinabangan ng nakakarami.
“Managot ang dapat managot. Hindi natin hahayaan ang patuloy na pagwawaldas ng pera habang ang dami natin mga kababayan na namamatay dahil sa walang pera para magpagamot,” aniya pa.
Magugunitang naiulat na nawalan ang PhilHealth ng P154 bilyon simula pa noong 2013 bunsod ng katiwalian sa ahensya na ang pinakahuli ay ang ‘ghost’ dialysis treatments na kinasangkutan ng WellMed Dialysis and Laboratory Corp.
96