Political clout ng pamilya ng ex-House Speaker masusubok JINKEE VS CAYETANO SA TAGUIG?

(BERNARD TAGUINOD)

MAUGONG na tatakbo sa susunod na eleksyon ang misis ni Pambansang Kamao at Sen. Manny Pacquiao na si Jinkee.

Gayunpaman, hindi pa malinaw kung sa mayoralty o congressional race sa Taguig-Pateros tatakbo si Jinkee o magse-senador lalo na kung tutuloy ang kanyang mister sa presidential race sa susunod na halalan.

Ang pag-ugong ng pagbabalik-pulitika ng misis ng senador ay kasunod ng kumalat na post sa Taguig-Pateros social media page ukol sa larawan ni Mrs. Pacquiao.

Nasa itaas ang malaking larawan ni Jinkee at mga larawan naman ng mga Tinga sa ibaba kaya agad na umugong na posibleng pamunuan ni Mrs. Pacquiao ang grupo na lalaban sa mga Cayetano sa Taguig-Pateros.

Sa ngayon ay mayor ng Taguig-Pateros si Lito Cayetano habang ang kanyang kapatid at hipag na sina Reps. Alan Peter Cayetano at Lani Cayetano ay mga kinatawan ng dalawang distrito ng nasabing lugar.

Si Mrs. Pacquiao ay dating vice governor ng Sarangani Province subalit naka-isang termino lamang ito kaya hindi malaman kung lumipat na ito sa Taguig-Pateros para makakandidato ito sa nasabing lugar.

Base sa umiiral na batas, kailangang maka-isang taon bilang residente sa isang lugar bago maging kuwalipikado na tumakbo sa anomang posisyon.

Subalit ayon sa isa pang impormante, posibleng palitan ni Jinkee ang kanyang mister sa Senado kapag natuloy itng tumakbo sa presidential o kaya vice presidential race sa susunod na taon.

May isa pang termino si Sen. Pacquiao subalit kabilang ito sa posibleng tumakbo umano bilang pangulo ng bansa sa 2022 election kaya itinalaga ito bilang pangulo ng PDP-Laban.

“Kaya possible din na tatakbo siya (Jinkee) sa Senado kapalit ni Manny,” ayon pa sa impormante.

153

Related posts

Leave a Comment