MULING nalagay sa kulelat na pwesto ang Pilipinas pagdating sa COVID-19 resilience ranking ng isang international firm.
Tinawag ng Bloomberg na “the best and worst places to be as we learn to live with COVID”, ang pinakabagong listahan na kinabibilangan ng Pilipinas.
Kabilang sa pamantayan sa resilience score kung paano tinutugunan ng 53 mga bansa ang pandemya, ang vaccination coverage, virus containment, mga ipinatupad na lockdown, kalidad ng healthcare system, muling pagsisimula ng pagbiyahe, at overall mortality.
Ito na ang ikatlong pagkakataon sa nakalipas na limang buwan na kulelat sa ranking ang Pilipinas.
Nakakuha ang Pilipinas ng resiliency score na 48.3 ngayong Enero na mas mababa sa 52 points noong Disyembre kung kailangan bahagyang tumaas ang Pilipinas sa 50th spot mula sa 53 mga bansa.
Nanguna naman sa listahan ang Saudi Arabia, Finland, Turkey at Singapore.
Noong nakalipas na Disyembre, idinepensa ng Malakanyang na ang kakulangan sa country-specific gauge at matinding kahalagahan sa reopening progress ang dahilan kung bakit ang Pilipinas ay itinuturing na “worst” o kulelat pagdating sa pandemic resilience sa Bloomberg COVID-19 Resilience Ranking.
Tinukoy ni acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles ang COVID Resilience Ranking ng Bloomberg para sa buwan ng Nobyembre, nagpapakita na ang Pilipinas ay kulelat mula sa 53 bansa na may resilience score na 43.1.
Ang indicators na ginamit ng Bloomberg ay kinabibilangan ng reopening progress, COVID-19 status, at kalidad ng buhay.
“We acknowledge that the data provided by Bloomberg in its COVID-19 Resilience Ranking may be useful in evaluating our pandemic response. [But] we have to consider that the 53 countries in the report have different COVID-19 experiences and strategies. There is little consideration for country-specific COVID-19 context, which in our view is imperative to objectively assess how countries managed pandemic response,” ayon kay Nograles.
Noong Nobyembre, nakuha ng bansa ang resilience score na 43.1 mas mataas sa 40.5 na score nito noong Oktubre.
Sa kabila nito hindi pa rin gumalaw ang Pilipinas sa 53rd spot kasunod ng Indonesia, Vietnam at Malaysia. (CHRISTIAN DALE)
