SUPLAY NG ISDA SAPAT SA KABILA NG OIL SPILL – BFAR

KUMPIYANSA ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na hindi magkakaroon ng pangmalawakang kakulangan sa suplay ng isda dahil sa oil spill sa Oriental Mindoro.

Sa katunayan, sapat anila ang suplay ng isda para ngayong Mahal na Araw.

Ayon sa ahensya, ang fishing grounds sa bansa ay muling nagbukas matapos ang periodic closure nito kung saan pinapayagan na ma-reproduce ang fish species.

Iyon nga lamang, ayon kay BFAR spokesperson Nazario Briguera, maaaring magresulta ng mababang fish output ang oil spill sa Oriental Mindoro at kalapit-lalawigan kasunod ng patuloy na pagtagas ng industrial oil mula sa lumubog na MT Princess Empress.

Sa ulat, ang lalawigan ng Oriental Mindoro, Palawan, at Antique ay nakapagtala ng 10.5% noong 2021 at 10.2% noong 2022 para sa kabuuang fisheries production sa Pilipinas.

Ang tatlong lalawigan ay mayroong pinagsama-samang produksyon ng 443,212.04 metriko tonelada ng pangisdaan kabilang na ang isda, algae, crustaceans, at mollusks, bukod pa sa iba sa aquatic flora at fauna – noong 2022, mababa ng 0.2% kumpara sa 444,304.62 metriko tonelada na na-produce noong 2021.

Sa ulat, ang Palawan ang pang-apat na lalawigan na mayroong mataas na volume ng round scad o galunggong na na-produce noong 2022 na mayroong 8,156.90 metriko tonelada, o 4.67% ng kabuuang 174,710.58 metriko tonelada ng galunggong production sa buong bansa.

Sa kabilang dako, ang Antique ay pumwesto naman sa pang-10 ranggo sa galunggong production na may 1.8% o 3,144.54 metriko tonelada na na-produce. Ang Oriental Mindoro ay pumwesto naman sa pang-31 na may 999.23 metriko tonelada ng galunggong produced o 0.57% ng kabuuang produksyon.

Samantala, nangako si BFAR said National Director Demosthenes Escoto ng inisyal na P4 milyong piso para sa fisherfolk livelihood intervention. (CHRISTIAN DALE)

410

Related posts

Leave a Comment