Dagdag-sahod, seguridad iginiit SLEX EMPLOYEES NAGLUNSAD NG BIGLAANG WELGA

NAGLUNSAD ng biglaang welga ang mga empleyado ng South Luzon Expressway o SLEX nitong Biyernes.

Nagtipon-tipon ang mga manggagawa, bitbit ang kanilang mga plakard, sa Petron gas station sa Kilometer 54 ng SLEX Northbound sa Cabuyao, Laguna.

Kabilang sa kanilang mariing ipinaglalaban ang agarang pagtaas ng kanilang sahod, pagbabalik sa trabaho ng mga empleyadong tinanggal umano nang hindi makatarungan, at ang pagkakaroon ng kasiguraduhan sa kanilang mga posisyon.

Iginiit din nila ang matagal na nilang hinihiling na Collective Bargaining Agreement o CBA, at binigyang-diin na halos apat na taon na silang walang natatanggap na dagdag-sahod.

Ayon sa mga nagwewelga, maraming sa kanila ang sampung taon o higit pang nagtatrabaho sa SLEX subalit nananatiling mababa ang kinikita at walang anomang pagbabago sa kanilang kalagayan sa paglipas ng mga taon.

Kabilang sa mga nagwewelga ang mga nagtatrabaho sa opisina, SLEX patrollers at enforcers, at iba pang miyembro ng Obrero Pilipino SLEX Chapter.

Ang biglaang pagkilos na ito ng mga empleyado ay nagresulta sa matinding pagsisikip ng trapiko sa Northbound lane ng SLEX, na nakaapekto sa maraming motorista nitong Biyernes.

(NILOU DEL CARMEN)

70

Related posts

Leave a Comment