NAKAHANDA ang Commission on Elections (Comelec) na sagutin ang petisyon na inihain sa Supreme Court (SC) na naglalayong ipatigil ang pagboto sa internet sa May 12 midterm elections, pahayag ni Comelec Chairman George Garcia.
Sa ngayon, sinabi ng poll chief, na nagpapatuloy ang kanilang paghahanda para sa internet voting sa 77 posts abroad at 16 posts ang gagamitin sa automated counting machines.
Ang petisyon ay inihain ng Partido Demokratiko Pilipino-Laban ng Bayan (PDP-Laban) na sinabing ang paggamit ng digital ballots ay hindi awtorisado ng umiiral na batas.
Gayunman, sinabi ni Garcia, ang Republic Act (RA) 10590 na nag-amyenda sa Overseas Voting Act ay nagpapahintulot sa Comelec na makipagsapalaran sa iba pang paraan ng pagboto.
Sinabi ni Garcia, ang internet voting ay sumailalim sa tamang konsultasyon kasama ang Kongreso.
Inaasahan na rin aniya nila ang anomang petisyon na ihahain laban dito.
Binanggit ng Comelec chief na nasa 19,000 overseas Filipinos ang naka-enroll na sa sistema ng poll body.
Habang naghihintay ng desisyon ng SC, sinabi ni Garcia na patuloy ang paghahanda para sa pagboto sa internet.
Sakali namang paboran ng SC ang petisyon, sinabi nin Garcia na mayroon silang libo-libong extra automated counting machines na maaaring magamit ng overseas voters.
(JOCELYN DOMENDEN)
