P5.8-M KUSH NASABAT SA PORT OF CLARK

NASABAT ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency ang P5.844 milyong halaga ng high-grade “kush” na idineklarang dried broccoli.

Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, nadiskubre ng mga tauhan ng Customs, katuwang ang mga ahente ng PDEA, ang 3,896 grams ng high-grade marijuana, na mas kilala bilang “kush,” na may street value na umabot sa P5,844,000 sa isinagawang interdiction operation sa Port of Clark.

Nabatid na nagmula ang kontrabando na unang ideneklarang “freeze dried broccoli”, sa Thailand at ihahatid sa Legazpi City.

Nabatid na dahil sa intelligence information na nasagap ng PDEA, agad inalerto ang mga tauhan ng BOC hinggil sa shipment na dumating noong Marso 26, 2025.

Nang sumunod na araw, isinagawa ng Customs Examiners at mga operatiba ng PDEA, ang K-9 sniff test, na nagresulta sa positibong indikasyon ng ilegal na droga nasa loob ng dumating na parcel.

Bunsod nito, nagpasaya ang mga awtoridad na buksan ang bagahe at magsagawa ng physical examination at dito nadiskubre ang 32 self-sealing packs na may marking na “Crispy Broccoli”.

“Each pouch was found to contain fruiting tops suspected to be high-grade marijuana,” ayon sa BOC at PDEA.

Isinailalim din ng PDEA sa confirmatory analysis ang kontrabando at nakumpirmang high grade marijuana ito na iklinaklasipikang dangerous drug under R.A. No. 9165, as amended.

Agad na nag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention para sa nasabing shipment dahil sa paglabag sa Section 118(g), Section 119(d), and Section 1113 paragraphs (f), (i), and (l) of R.A. No. 10863, or the Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), in relation to R.A. No. 9165.

(JESSE KABEL RUIZ)

35

Related posts

Leave a Comment