HIGIT kalahati sa mga Pinoy ang naniniwala na ilang opisyal ng pulisya ay sangkot sa illegal drug trade, extrajudicial killings (EJKs), at kadalasang nagtatanim ng ebidensiya laban sa drug suspects, ayon sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey.
Ayon sa survey results na inilabas ng Miyerkoles, 68 porsiyento ng Pinoy ang naniniwala sa alegasyon na sangkot ang kapulisan illegal drug trade — kung saan 29 porsiyento sa mga ito ang naniniwalang totoo ang akusasyon at 39 porsiyento naman ang nagsasabing ‘tama siguro’ habang limang porsyento lamang ang nagsasabing hindi sila naniniwala at 26 porsiyento ang hindi desidido sa akusasyon.
Sa isyu ng extrajudicial killing sa mga suspect, 66 porsiyento sa tinanong ang nagsasabing totoo ito at 28 porsiyento ang tunay na nanininiwalang sangkot ang mga pulis sa pagpatay. Limang porsiyento lamang ang nagsabing hindi totoo na sangkot ang mga pulis sa EJKs.
Umabot naman sa 57 porsiyento ang naniniwalang nagtatanim ng ebidensiya ang mga pulis sa nahuhuling suspect sa 22 porsiyento at 35 porsiyento ang nagsabing pwedeng totoo. Tanging siyam na porsiyento ang hindi naniniwala habang 33 porsiyento ang hindi makapag-decide.
Isinagawa ang survey noong December 16-19, 2018 sa face-to-face interview sa 1,440 adults sa buong bansa.
148