(NI DANG SAMSON-GARCIA)
MULING uminit ang ulo ni Senador Cynthia Villar sa National Food Authority (NFA) sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture and Food kaugnay sa epekto ng Rice Tariffication sa mga lokal na magsasaka.
Unang nagtaas ng boses ang senador nang mapadako ang usapin sa dami ng mga imported rice na nakaimbak sa warehouses ng NFA.
Kinumpirma ni NFA Administrator Judy Carol Dansal na may apat na milyong bags pa ng imported na bigas ang nakaimbak sa kanilang warehouses.
“Ang problema nyo dapat buy and sell. Kasama kayo sa magulo kaya nagkaganito tayo. Baguhin nyo ugali n’yong yan. Lahat ng tao, kayo sinisisi,” punto ni Villar sa NFA.
“Tapos na storya ng NFA noon. We should accept the reality na wala na ‘yan, pag-Igihin n’yo ang trabaho nyo kasi banas na banas na ang tao sa inyo,” diin pa ni Villar.
Ibinuking din ni Villar ang naging kaugalian ng NFA noon na kapag mabubulok na ang bigas ay ibebenta sa mga piling trader sa bagsak na presyo.
Hinikayat naman ni Senador Risa Hontiveros ang NFA na bumili ng bigas sa lokal na magsasaka para sa kanilang buffer stock.
“Hinihikayat ko ang NFA na bilhin ang palay ng ating mga lokal na magsasaka sa darating na anihan sa presyong hindi palugi, habang hinihintay ang paparating na mga programa ng RCEF at mabigyan ng sapat na tulong pinansyal ang mga magsasaka,” saad ni Hontiveros.
Muling nairita si Villar nang mapadako ang usapan sa pangungumbinsi nila sa mga lokal na pamahalaan na bumili na rin ng palay sa mga magsasaka.
“Kaya kinukumbinsi namin ang mga LGU na bibigyan na lang ng puhunan at sila ang bibili ng palay. Kasi sila nagpapaboto sila, eh ang NFA hindi naman nagpapaboto,” diin ni Villar.
Idinagdag din nito “Noong ako’y kumandidatong senador sinisiraan ako ng NFA na ‘wag daw akong iboto dahil ako raw ang may kasalanan ng lahat ng ito. Tingnan nyo ang dami kong nakuhang boto kasi wala nang naniniwala sa inyo kasi galit sa inyo mga tao,” halos pasigaw nitong pahayag.
