(NI NOEL ABUEL)
TINITIYAK ng isang senador na mahuhubaran ang hawak na mandato ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang matiyak na hindi malalagay sa alanganin ang seguridad ng bansa.
Ito ang sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian kung saan maliban sa inihain nitong Senate Resolution No. 219 noong nakaraang linggo para uriratin ang NGCP, tatlo pang resolusyon ang inihain nito upang maimbestigahan.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. (SRN) 225, nais ni Gatchalian na bumuo at mag-implementa ng transmission development plan upang masiguro na ang pagpapalawig ng electric power transmission grid ay naaayon sa bagong power generation facilities upang maabot ang kinakailangang electricity demand.
Giit ng senador, ang pagbuo ng Transmission Development Plan ay mahalaga upang masiguro na tama ito sa mga bagong power plant projects.
Base aniya sa datos ng Department of Energy (DOE), nangangailangan ang Pilipinas ng dagdag na 43,765 MWs sa taong 2040.
Samantalang nakasaad naman sa Resolution No. (SRN) 226, na siyasatin ang ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa obligasyon nito na maresolba ang kinakaharap na usapin ng transmission grid operator.
Habang ang Resolution No. (SRN) 227 ay para maimbestigahan ang posibleng panghihimasok ng China sa power transmission line ng bansa sa pamamagitan ng China-owned State Grid Corporation na nagmamay-ari ng 40 porsiyento ng NGCP.
