3 UMAWAT SA AWAY NIRESBAKAN, 1 PATAY

QUEZON – Patay ang isang lalaki habang sugatan ang isa niyang kasama at hindi tinamaan ang isa pa, makaraang pagbabarilin matapos na awatin ang dalawang lalaking nag-aaway sa bayan ng
Dolores sa lalawigang ito, noong Biyernes ng gabi.

Nalagutan ng hininga dahil sa tama ng bala sa tiyan ang biktimang si Ronald Danila, 41-anyos, residente ng Barangay Bungoy.

Habang sugatan ang isa pang biktimang sina Jovet Gutierrez, 39, samantalang nakaligtas ang kasama nilang si Roberto Capisanan.

Batay sa report ng Dolores police, kasama ang iba pang kabaranggay, naglalaro ng softball ang mga biktima sa bakanteng lote sa tabi ng kalsada nang magkaroon ng kaguluhan dahil sa pag-aaway ng suspek na si Odelon Alinea at ng isa sa mga nanonood ng laro na si Reygan Isuga.

Naawat ang away ng dalawa makaraang mamagitan ang tatlo kaya nakaalis ang mga suspek.

Ngunit bumalik si Alinea kasama ang pinsan niyang si Leozar Alinea na armado ng maigsing baril at pinaputukan ang tatlo.

Sugatan sa insidente sina Danila at Gutierrez na mabilis na isinugod sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ang una.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang tumakas na mga suspek na nahaharap sa kasong murder at attempted murder. (NILOU DEL CARMEN)

71

Related posts

Leave a Comment