9K OFWs GINUGUTOM SA SAUDI

MULING nagbabadyang magpatupad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng deployment ban sa Saudi Arabia dahil umaabot na sa P4.6 bilyong pasuweldo ang hindi nababayaran ng mga employer sa mga overseas Filipino worker (OFW) doon.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nasa 9,000 OFWs sa naturang bansa ang hindi pinasuweldo ng kanilang mga amo.

Dahil dito, iminungkahi na ng kalihim kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad muli ng deployment ban sa Saudi Arabia hanggang hindi nagbabayad ang mga employer.

“I sent a memorandum to the President requesting him permission to consider the deployment ban to KSA (Kingdom of Saudi Arabia) kung hindi nila mabayaran yung pera,” ayon sa kalihim.

Nag-umpisa ito noong 2016 na may 11,000 OFWs ang hindi binayaran ng sahod ng dalawang taon. Nagkaroon ng pagsasampa ng kaso at may desisyon na ngunit marami pa rin sa kanila ang hindi nababayaran.

Inatasan na rin ni Bello ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na pag-aralan ang naturang usapin.

Nitong nakaraang Mayo, pansamantalang ipinatigil ni Bello ang pagpapadala ng OFWs sa KSA dahil sa ulat na ang mga ito at hindi ang mga amo o agency ang sasagot sa gastusin ng health at safety protocol sa COVID-19 at insurance coverage premium pagdating nila sa naturang bansa.

Agad namang pumayag ang mga employer na sagutin ang naturang mga gastusin kaya tinanggal ang ban. (RENE CRISOSTOMO)

105

Related posts

Leave a Comment