ABS-CBN NAPURUHAN SA ‘PANDARAYA’ SA TAX

MISTULANG napuruhan ang ABS-CBN sa usapin ng hindi pagbabayad nang tamang buwis nang isa ito sa bigyang-diin sa summation ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta.

Sa summation ni Marcoleta sa resulta ng joint hearing ng House committee on legislative franchises at committee on good government and public accountability, inakusahan nito ang ABS-CBN na halos ayaw magbayad ng buwis gayung ipinangangalandakan ng mga ito na sila ay ‘in the service of the Filipino people”.

Ayon sa mambabatas, imbes na magbayad ang ABS-CBN ng P2.5 bilyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) noong 2014 ay nakipagkompromiso ang mga ito kaya P152 milyon na lamang ang kanilang binayarang buwis.

Kumpara aniya sa GMA-7 na nagbayad ng mahigit P3 bilyong tax mula 2017 hanggang 2019, ang binayaran lamang umano ng ABS-CBN sa nabanggit na panahon ay halos P500,000 lamang.

“Bakit naman kailangang tipirin ang gobyerno samantalang ito ang nagkaloob ng prebilehiyo ng prangkisa?,” ani Marcoleta na hindi naniniwalang mas malaki ang kinikita ng GMA-7 kumpara sa kanila.

Noong nanligaw umano ang ABS-CBN para maaprubahan ang kanilang prangkisa noong 1995 ay nangako ang mga ito na magbabayad ng tamang buwis at susunod sa lahat ng itinatadhana ng batas.

Gayunman, nang makuha nila ang prangkisa ay kinalimutan umano ang kanilang obligasyon sa estado at halos ayaw nang magbayad ng tamang buwis.

Bukod dito, nakaiwas din ang mga Lopez na siyang may-ari ng ABS-CBN sa pagbabayad ng tamang buwis sa pamamagitan ng PEZA registered company na Big Dipper na sentro pa rin ng imbestigasyon ng House Blue Ribbon committee sa mga susunod na araw.

Ayon kay Marcoleta, nagkaroon ng P10.6 bilyon na income ang Big Dipper sa nakaraang apat na taon o mula 2016 hanggang 2019 subalit P110 hanggang P120 milyon lamang ang binabayarang buwis kada taon samantalang P700 hanggang P800 milyon ang dapat bayaran ng mga ito dahil inirehistro nila ito sa PEZA. (BERNARD TAGUINOD)

158

Related posts

Leave a Comment