ARTIFICIAL INTELLIGENCE PINAKOKONTROL NG SENADOR

NAIS ni Senador Imee Marcos na magsagawa ang Senado ng pagbusisi sa paggamit ng artificial intelligence (AI)  upang makabalangkas ng mga hakbangin para mapigilang mabalewala ang mga manggagawa sa services and manufacturing sector.

Ito ay makaraang aminin ni Marcos, chairperson ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, na nababahala siya sa napipintong pagkawala ng mga trabaho partikular na sa business process outsourcing (BPO) at mga orihinal na equipment manufacturing (OEM) na kumpanya, na kanyang pinaniwalaang may malaking potensyal sa paglikha ng trabaho sa kabila ng pandemya.

“Ang AI ay umuunlad nang mas mabilis kaysa inaakala ng karamihan na posibleng magdulot ng mga kawalan ng trabaho at maging kabaligtaran ng paglago nito,” babala ni Marcos.

“Malapit na bang ituring ang mga call center agent at factory worker na mga walang silbi, pagkatapos itaguyod ang ating ekonomiya sa panahon ng pandaigdigang krisis sa kalusugan?” tanong ng senador na nagbanggit na sa kasagsagan ng mga paghihigpit sa COVID-19 noong 2020 hanggang 2021, ang industriya ng BPO ay lumago ng 10% hanggang $29.5 bilyon.

Sa Senate Resolution No. 591, tinukoy ni Marcos ang pagtaya na nasa 1.1 milyong mga trabaho sa Pilipinas ang malulusaw o mawawala pagsapit ng 2028, base na rin sa pag-aaral ng Oxford Economics at U.S. based digital technology company na Cisco.

Sinabi ni Marcos na sa ngayon ay nasa 50% na mga organisasyon sa buong mundo ang gumagamit ng AI at mga automated machine habang ang mga pamumuhunan sa teknolohiya ay tinatayang papalo mula sa 50% hanggang 100% sa susunod na tatlong taon.

Binigyang-diin ni Marcos na dapat madaliin ang pagbibigay kaalaman sa mga mambabatas hinggil sa global development kaugnay sa AI technology upang makabuo ng pamamaraan na maisalba ang mga manggagawa.

Kailangan anyang bumuo ang dalawang kapulungan ng mga regulatory measure laban sa matinding kawalan ng trabaho at gumawa ng kaukulang mga amyenda sa Intellectual Property Code, Revised Penal Code at Cybercrime Prevention Act.

Bukod sa mga legal na proteksyon na kayang ipatupad ng gobyerno, iginiit ni Marcos na sa  isama sa corporate social responsibility ang “upskilling at training ng mga manggagawa sa special services” na hindi basta-bastang mapapalitan ng AI. (DANG SAMSON-GARCIA)

78

Related posts

Leave a Comment