CHILD SAFETY IN MOTOR VEHICLES ACT, DI MUNA IPATUTUPAD

KINUMPIRMA ni Senador Bong Go na ipagpapaliban muna ng Department of Transportation at Land Transportation Office ang implementasyon ng Republic Act 11229 o ang Child Safety in Motor Vehicles Act.

Sinabi ni Go na nakausap na niya sina DOTr Secretary Art Tugade at LTO chief Edgar Galvante at napagkasunduan na wala munang gagawing panghuhuli.

“For now – no fines, no arrests, no confiscation of licenses, no penalties,” saad ni Go.

“Dahil sa kasalukuyang krisis na dulot ng COVID-19, huwag muna nating dagdagan ang iniisip ng mga kababayan natin. Hirap na hirap na po sila, huwag na muna natin silang mas pahirapan pa,” dagdag ng senador.

Iginiit pa ni Go na dahil din sa mga itinakdang IATF protocols, hindi naman nakakalabas ang mga bata sa kanilang mga bahay.

“Bagamat nakasaad sa batas na kailangan na ito maimplementa ngayong taon, sisikapin muna nating maipaintindi sa mga tao kung ano po ang batas na ito, bakit ito kailangan maimplementa, at ano ang mga patakaran na kailangan sundin ukol dito. Bibigyan natin ng oras ang lahat na makapaghanda muna, habang may pandemya pa rin tayong sinusubukang malampasan,” pahayag pa ni Go.

Samantala, naghain ng resolusyon sa Senado ang ilang senador upang hilingin ang pagpapaliban ng implementasyon ng batas.

Inihain nina Senador Sonny Angara, Nancy Binay, Win Gatchalian, Joel Villanueva at Migz Zubiri ang Senate Resolution 633.

Iginiit ng mga senador na dapat magpalabas ang LTO ng guidelines para sa certification ng child car seats na dapat bilhin bago ang pagpapatupad ng batas.

Nanawagan din ang mga senador sa Department of Trade Industry na maglabas ng talaan ng certified brands at models habang ang LTO ay pinagtatayo ng accredited fitting stations. (DANG SAMSON-GARCIA)

69

Related posts

Leave a Comment