GINANG PATAY SA 2 HOLDAPER

BULACAN – Patay ang isang 55-anyos na ginang matapos holdapin at pagbabarilin ng isa sa dalawang armadong robbery suspects noong Biyernes ng umaga sa Barangay Malis, sa bayan ng Guiguinto sa lalawigang ito.

Kinilala ni P/Lt. Col. Jowilouie Bilaro, hepe ng Guiguinto Police, ang biktimang si Imelda Cabigting, may asawa, vendor, residente ng Brgy. Malis ng nasabing bayan.

Arestado naman sa isinagawang pursuit operation ng Guiguinto Police, ang mga suspek na sina Juan Mejica alyas “Bakal” ng Phase 2, Northville 7, at Leonard Manota, residente ng Sta. Clara Estate, Guiguinto.

Base sa panimulang imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang alas-2:00 ng madaling-araw habang ang biktima ay sakay ng tricycle na minamaneho ng live-in partner nito na si Charlie Arena papunta sa Balagtas Market upang mamili ng mga isda at gulay.

Nabatid na bigla silang sinabayan ng mga suspek na sakay ng single motorcycle at pinatabi ang tricycle saka bumaba ang angkas na suspek na armado ng baril at idineklara ang holdap.

Hningi ng suspek ang bag ng biktimang si Cabigting subalit tumanggi ito kaya binaril siya ng suspek ng tatlong beses habang ang kasama nito ay tumakbo para humingi ng saklolo. Matapos makuha ang bag ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungong Barangay Tabe.

Sa inilunsad na manhunt operation ay mabilis na naaresto ng mga awtoridad ang mga suspek na positibong kinilala ni Arena.

Nahaharap sa kasong robbery with homicide ang mga suspek na kasalukuyan nakapiit sa Guiguinto Police Station. (ELOISA SILVERIO)

20

Related posts

Leave a Comment