ISINUSULONG ni Senador Grace Poe na pagkalooban ng tax credit ang mga doktor at iba pang healthworkers na nagisilbi sa mga indigent patient.
Sa kanyang Senate Bill 1715 o ang proposed Physician Pro Bono Care Act, iginiit ni Poe na patuloy ang pagbibigay ng serbisyo ng mga frontliner, may pandemic man o wala.
Ayon kay Poe, marami sa mga doktor ang nagbo-boluntaryo pang magbigay ng serbisyo sa mga taong hindi kayang magbayad para sa medical attention kaya dapat lamang silang bigyan ng tax incentives bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at sakripisyo.
Alinsunod sa panukala, isasailalim sa ebalwasyon ng Department of Health (DOH) at Philippine Medical Association (PMA) ang pro bono services ng mga doktor kung saan ikukonsidera ang oras
ng kanilang libreng serbisyo at ang treatment na ipinagkakaloob ng mga ito.
Babalangkas anya ang Bureau of Internal Revenue, katuwang ang DOH at PMA, ng rules and regulations sa pagbibigay ng tax credits.
Ipinaliwanag ni Poe na dahil sa COVID-19 pandemic, nahamon ang healthcare system ng bansa at nakita ang kakulangan ng mga doktor sa pagbibigay proteksyon sa public health.
Naniniwala si Poe na kung mabibigyan ng tax credit ang mga doktor sa kanilang pro bono services, marami sa mga manggagamot ang magseserbisyo sa taumbayan. (DANG SAMSON-GARCIA)
