Kagutuman hindi matugunan BBM INUTIL -MAGSASAKA

(BERNARD TAGUINOD)

NAGING inutil si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pagtugon sa lumalalang kahirapan at kagutuman kaya dapat na itong singilin at panagutin.

Pahayag ito ni Cathy Estavillo, Secretary General ng Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas, matapos tumaas ang presyo ng bigas kasunod ng pananalasa ng bagyong Egay sa Northern at Central

Luzon kung saan lumubog ang mga palayan.

“Sa gitna ng tumitinding krisis, dapat tumindig ang mamamayan at sama-samang manawagan para singilin at panagutin si Marcos Jr. sa kainutilan nitong tugunan ang lumalalang kahirapan at kagutuman. Kailangan na niyang bumaba bilang Kalihim ng DA para magbigay-daan sa mas responsable at may kaalaman sa sektor na kalihim,” ani Estavillo.

Sinabi nito na nasa P44 kada kilo na ang pinamakababang presyo ng bigas ngayon sa mga pamilihan at nakaamba pang tumaas umano ito dahil sa bagyo at habagat na sinabayan pa ng pagtaas ng presyo sa pandaigdigang pamilihan.

Sa bayan aniya ng Amulong sa Cagayan, tumaas ng P2 ang bawat kilo ng bigas matapos ang bagyo kaya ang dating P44 ay naging P46 na ngayon dahil hindi agad nagpatupad ng price freeze si

Marcos gayung alam niyang nadale ang mga palayan sa mga nabanggit na rehiyon.

Tumaas na rin ang presyo ng bigas sa Thailand at Vietnam matapos magdeklara ang India na hindi na sila mag-eexport ng bigas na magpapalala umano sa kagutuman sa bansa lalo na’t umaasa lang si Marcos sa importasyon.

Mula sa $545 ang presyo ng kada metric tons ng bigas sa Thailand ay naging $625 na ito ngayon habang $590 kada MT naman mabibili ang Vietnam rice mula sa dating $515-$525 kaya inaasahan na malaki ang magiging epekto nito sa lokal na merkado lalo na’t isinailalim sa liberalisasyon ang rice industry dahil sa Rice Liberation Law.

Ito ang pangunahing dahilan kaya iginiit ng nasabing grupo kay Marcos na amyendahan ang nasabing batas subalit nagbibingi-bingihan umano ang Pangulo kaya posibleng maulit ang nangyari noong 2018 kung saan umabot sa P75 ang bawat kilo nito.

“Ang kabiguan ni Marcos Jr. na tugunan ang pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang pagkain ang dahilan ng malawakang kagutuman na nararanasan ng mga maralita sa bansa,” ayon pa kay Estavillo.

Kaya hindi na aniya nakapagtataka na tumaas ng 10.4% ang pamilyang nakararanas ng “involuntary hunger” mula sa 9.8% noong nakaraang ng taon kung saan pinakamataas sa Metro Manila na umabot sa 15.7% habang 11.3% naman sa Luzon.

Wa paki rin sa WPS

Samantala, hindi na ipinagtaka ng isang mambabatas ang panibagong harassment ng China sa West Philippine Sea (WPS) dahil hindi umano binibigyan ni Marcos Jr., ng importansya ang teritoryo at soberenya ng Pilipinas.

Ginawa ni House deputy minority leader France Castro ang pahayag matapos bombahin ng tubig ng Chinese Coast Guard ang sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) na maghahatid ng supply sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong Sabado.

Ayon sa mambabatas, kahit noong ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos ay wala itong binanggit hinggil sa panghaharass ng China sa WPS.

Maging sa kanyang budget message para sa 2024 national budget ay hindi tinalakay ang isyu sa WPS na patunay umano na hindi binibigyan ng Pangulo ng importansya ang teritoryo at soberenya ng Pilipinas.

“Patuloy ang ganitong harassment at pag-atake sa mga Pilipino lalo na ang ating mga mangingisda, tapos may gana pa ang China na mag-alok daw ng joint military exercises pero ganito naman ang kanilang ginagawa. Ano bang tingin nila sa atin uto-uto at susunod na lang sa gusto nila tulad ni Duterte?,” ani Castro.

“Dapat na talagang ilatag ng Pilipinas sa United Nations General Assembly ang tahasang paglabag ng China sa desisyon sa UNCLOS at arbitral award, para mapressure na ang Tsina na tigilan ang kanyang ginagawa,” ayon pa kay Castro.

194

Related posts

Leave a Comment