DAHIL sa pinalakas na monitoring ng Department of Labor and Employment (DOLE), natukoy ang 239 mga batang nagtatrabaho sa lalawigan ng Negros Oriental.
Kabilang ang Bayawan City na nasa 104 ang mga batang nagtatrabaho, 66 sa La Libertad, 49 sa bayan ng Guihulngan, at 20 sa Basay, ayon sa Negros Oriental Field Office (NOFO).
Binigyan diin ni Regional Director, Lilia A. Estillore ng Region 7, importante ang monitoring sa mga batang manggagawa para masubaybayan sila, makabuo ng angkop na programa at tulong para makaahon sila sa kanilang kinasasadlakan sa pamamagitan ng Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP).
“Sa huli, umaasa kami na maaalis natin ang mga bata sa child labor, partikular sa mga pinakamasamang kondisyon kung saan ninanakaw ang kanilang pagkabata,” pahayag ni Estillore.
Ayon naman kay NOFO Officer-In-Charge, Ma. Teresa Tanquiamco, kabilang sa mga programang isinagawa nila ang pagkakasa ng ‘information drives’, mga pulong ukol sa kabuhayan, workshops, paglalabas ng Negosyo carts, skills training, pagbibigay ng school supplies, hygiene kits, mga bitamina at food packs, at mga damit sa mga bata.
Binibigyan din ng hanapbuhay ang mga magulang ng mga bata sa pamamagitan ng Kabuhayan Para sa Magulang ng Batang Manggagawa (KASAMA) under the DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) upang hindi na mapilitan ang mga anak na magtrabaho at magpatuloy ng pag-aaral.
Mula 2018-2022, nasa kabuuang 25,659 child laborers ang na-profile ng DOLE at nabigyan ng direktang tulong sa pamamagitan ng referral ng ibang ahensya at organisasyon. Sa naturang bilang, nasa 4,314 ang nakatira sa 40 barangay ang natukoy na nasa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Pinakakaraniwang trabaho ng mga bata ay ang pagsasaka, quarrying at ikatlo ay pagpasok nila bilang kasambahay. (RENE CRISOSTOMO)
